Nilinaw ng Philippine National Police Civil Security Group (PNP-CSG) na ang memo nilang inilabas ukol sa paghihigpit ng “Security measures” kaugnay ng posibleng panggugulo ng mga terrorist group ay paalala lang sa security professionals.
Ayon kay PNP-CSG Spokesperson Police Lieutenant Colonel Eudisan Gultiano, walang dapat ikabahala ang publiko sa memorandum circular na inilabas ng Supervisory Office for Security and Investigation Agencies o SOSIA.
Nakasaad sa Memorandum Advisory 045-2024 ng SOSIA ang mga paalala sa security professionals.
Kasama rito ang: pag monitor sa mga potensyal na banta; pagiging alerto at pagkakaroon ng target harderning measures; pagpapaigting ng communication linkage sa PNP, at iba pang law enforcement agencies; at paghigpit sa frisking o pagkapkap sa mga bag ng mga papasok sa mga establisyamento, at i-report agad sa mga police station ang mga bagay na kahina-hinala.
Paliwanag ni Gultiano, ang mga ito ay “reminder” lang sa mga security professional na striktong ipatupad ang mga kaukulang security measure, pero hindi nangangahulugan na may bantang pag-atake ang mga local terrorist lalo na sa pampublikong lugar. | ulat ni Leo Sarne