Inanunsiyo ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Romeo Lumagui Jr. na lahat ng Electronic Certificate Authorizing Registration (eCAR) ay magiging valid hanggang sa presentasyon nito sa Registry of Deeds.
Bukod tanging ang mga CAR na inisyu sa labas ng eCAR System ang papayagan para sa muling revalidation.
Ito ang naging epekto ng Revenue Regulations No. 12-2024 (RR No. 12-2024) na inilabas ni Commissioner Lumagui.
Sabi pa ni Lumagui, na ang CAR na inisyu ng BIR ang nagpapahintulot sa Land Registration Authority na ilipat ang pagmamay-ari ng mga real property na resulta ng pagbebenta, donasyon at iba pang mode of transfer.
Patunay aniya ang CAR na naiulat ang paglilipat ng ari-arian, at lahat ng kinakailangang buwis ay binayaran nang buo ng taxpayer.
Bago ang RR No. 12-2024, may limang taon ang validity period ng eCAR. Gayunman hindi lahat ng eCARs ay iprinisinta sa loob ng validity period, kailangang humiling pa ang taxpayers ng muling pag-isyu nito.
Paliwanag pa ng BIR Chief, na inayos ng RR No. 12-2024 ang isyung ito sa pamamagitan ng pag-alis ng 5-taong validity period. Magiging wasto na ngayon ang eCAR hanggang sa presentasyon nito sa kinauukulang RD. | ulat ni Rey Ferrer