Tiniyak ni Criminal Investigation and Detection Group – Directorate for Investigation and Detective Management (CIDG-DIDM) Chief Police Brigadier General Matthew Baccay sa House Committee on Human Rights, na makikipag ugnayan sa Philippine National Police (PNP) upang matulungan ang pamilya ng mga sinasabing biktima ng EJK.
Sa pagharap ng mga dating opisyal ng estado na nagpatupad ng anti-illegal drug war ng dating administrasyon sinabi ni Baccay, na mahalagang ang mga testimonya ay malikom at magamit na ebidensya sa paghahain ng reklamo.
Hinimok din ni Baccay ang mga pamilya na makipagtulungan sa PNP, lalo at mismong si PNP Chief Rommel Marbil na ang nagsabi na susuportahan ang ano mang hakbang para mapanagot ang mga nagkamaling pulis kung mayroon man.
Maging si Manila Rep. Bienvenido Abante, Chair ng Komite, ay naghayag ng kumpiyansa sa kasalukuyang pamunuan ng pambansang pulisya at maaari silang pagkatiwalaan ng publiko.
Nagpalabas naman ng show cause order ang komite para kina dating National Bureau of Investigation (NBI) Director Medardo de Lemos, dating Solicitor General Jose Calida, dating PNP chief Vicente Danao at Col. Lito Patay, kinatawan mula Department of Justice, at dating PNP – Internal Affairs Service chief Atty. Alfegar Triambulo para dumalo sa susunod na pagdinig. | ulat ni Kathleen Forbes