Pinasinungalingan ni Department of National Defense (DND) Sec. Gilbert Teodoro ang alegasyon na ang napapadalas na pagsasanay ng Armed Forces of the Philippines sa mga kaalyadong pwersa ay bahagi ng paghahanda para sa giyera.
Sa talakayan sa Management Association of the Philippines (MAP) General Meeting kahapon, iginiit ni Teodoro na ang nabanggit na kwento ay walang katotohanan at “malicious insinuation” para takutin ang mga mamayan.
Ang katotohanan aniya ay pagbabago lang ito sa nakaraan, kung saan hindi nagsasanay ang AFP sa antas na kailangan nito, at hindi nasusubukan ang mga kagamitan kung epektibo o hindi.
Paliwanag ng kalihim, sa ilalim ng Comprehensive Archipelagic Defense Concept, palalawakin ng militar ang kanilang kapabilidad upang maipagtanggol hindi lang ang kalupaan, kundi maging ang Exclusive Economic Zone at iba pang lugar na sakop ng hurisdiksyon ng Pilipinas.
Binigyang diin ni Teodoro na mahalaga na ma-develop ang “self reliant defense posture” para mapigilan ang mga nagtatangkang agawin ang likas na yaman ng Pilipinas na nakalaan para sa mga susunod na henerasyon. | ulat ni Leo Sarne
📷 Courtesy of DND