Pinangunahan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang paglulunsad ng Bayanihan sa Barangay na isinagawa sa Lungsod ng Pasay.
Dito, nagsawaga ng paglilinis at pagpapaluwag ng mga daluyan ng tubig, pagsasaayos gayundin ang pagpapaganda ng mga bangketa maging ang pagkukumpuni sa perimeter fence ng Estero de Tripa de Gallina.
Naglatag din ang MMDA ng One-Stop-Shop query service para sa mga motorista sa lungsod na nais magbayad ng multa mula sa kanilang naging paglabag sa batas trapiko.
Ayon kay MMDA Acting Chairperson, Atty. Romand Artes, magandang pagkakataon ang nasabing proyekto upang maihanda ang mga komunidad sa epekto ng mga pagbaha sa tuwing bumubuhos ang ulan.
Sa kaniyang panig naman, nagpasalamat si Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano sa pagkakapili sa kanilang lungsod para ilunsad ang flood control project na ito. | ulat ni Jaymark Dagala