Abiso sa mga nagmamay-ari ng baril at gun enthusiast, pinalawig pa ng Philippine National Police – Civil Security Group (PNP-CSG) sa 3 araw ang ipatutupad nilang gun ban kasabay ng ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ayon kay CSG Spokesperson, Police Lt. Col. Eudisan Gultiano, suspendido ang Permit to Carry Firearms Outside of Residence (PTCFOR) mula alas-12 ng hatinggabi ng Sabado, July 20 hanggang alas-11:59 ng gabi ng Julyo 22 o ang mismong araw ng SONA.
Paglilinaw pa ni Gultiano, epektibo lamang ang naturang gun ban sa National Capital Region (NCR) taliwas sa mga naunang anunsyo na nationwide ang pagpapatupad nito.
Dagdag pa ng opisyal, tanging ang mga naka-duty na uniformed personnel ang siyang papayagang magdala ng baril sa mga nabanggit na araw. | ulat ni Jaymark Dagala