Pinuri ni Presidential Peace Adviser Secretary Carlito Galvez Jr. ang paglagda sa Memorandum of Understanding (MOU) kaugnay ng Small arms and Light weapons (SALW) Management Program ng pamahalaan sa Basilan bilang isang mahalagang hakbang para tugunan ang problema ng loose firearms sa lalawigan.
Ang paglagda ay isinagawa sa Isabela City, Basilan noong Martes sa pagtitipon na pinamagatang “Buwah nen Kasanyangan” (Fruits of Peace in Yakan) na pinangunahan ng Basilan Provincial Govt., Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity (OPAPRU), at United Nations Development Program (UNDP).
Layon ng MOU, na i-regulate ang pagbiyahe at paggamit ng mga firearms, at ipatupad ang “uniform standards” para sa militar at pulis sa lalawigan.
Kasabay nito, iprinista sa pagtitipon ang 172 isinukong armas, na itinuturing na malaking tagumpay ng pamahalaang panlalawigan laban sa loose firearms.
Ayon kay Sec. Galvez, ang “peace initiative” ng Basilan kontra sa loose firearms ay makakatulong para masiguro ang mapayapa at maayos na halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa susunod na taon. | ulat ni Leo Sarne
📷 Courtesy of OPAPRU