Nakatutok na ang pamahalaan sa pagtugon sa kakulangan ng supply ng kuryente sa Palawan.
Sa distribusyon ng presidential asssistance sa Puerto Princesa, Palawan ngayong araw, partikular na binanggit ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Maharlika Investment Corporation, National Electrification Administration, at Palawan Electric Cooperative, na nagsasagawa ng pag-aaral upang mapabuti ang supply ng kuryente sa lugar.
Umaasa ang pangulo na magkakaroon ng positibong resulta ang mga kasunduang pinapasok ng mga ahensyang ito.
Kung matatandaan, una nang inanunsyo ni Maharlika Investment Corporation President Rafael Consing Jr. na mamumuhunan sila sa renewable energy, partikular sa transmission lines sa island provinces, kung saan ang maliliit na kooperatiba ay hindi pa nakakabit sa main grid.
Ito ay upang matulungan ang mga lugar na ito na magkaroon ng sapat na supply ng kuryente at mapababa ang presyo nito.
“Upang matugunan ito, ang Maharlika Investment Corporation, ang National Electrification Administration, at ang Palawan [Electric] Cooperative ay [magsasagawa] ng pag-aaral upang mapabuti ang supply ng kuryente sa inyong lalawigan. Tayo po ay umaasa sa mga positibong bunga ng mga kasunduang ito.” —Pangulong Marcos. | ulat ni Racquel Bayan