Tinuligsa ng Department of National Defense (DND) ang pagpapakalat ng pekeng video laban sa Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa isang pagtitipon ng grupong MAISUG sa Los Angeles, California, USA sa bisperas ng State of the Nation Address ng Pangulo.
Sa isang statement, sinabi ni DND Spokesperson Dir. Arsenio Andolong na ang pagpapakalat ng naturang video ay isang pagtatangka na i-destabilize ang administrasyon ng Pangulo.
Ang tinukoy ng DND na video ay yung nagpapakita ng umano’y paggamit ng Pangulo ng Ilegal na droga.
Ayon kay Andolong, ang pagpapalabas ng naturang video sa Estados Unidos ay isang “cowardly attempt” na lusutan ang hurisdiksyon ng batas ng Pilipinas.
Nanawagan si Andolong sa mga awtoridad sa Estados Unidos na imbestigahan ang nabanggit na insidente at panagutin ang mga responsable. | ulat ni Leo Sarne