Iniulat ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Jose Melencio Nartatez Jr. na pangkalahatang naging mapayapa ang pagdaraos ng ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa huling ulat ng NCRPO, ang mga pagkilos sa Metro Manila ay nilahukan ng tinatayang 7,510 indibidwal kung saan walang major untoward incident ang na-monitor.
Nasa 3,010 sa mga ito ang kabilang sa mga grupong may protesta laban sa pamahalaan habang 4,500 ang taga suporta ng administrasyon.
Ayon kay Nartatez, isinagawa ng mga ralyista ang kani-kanilang mga aktibidad ng naaayon sa mga itinakdang patakaran at malayang nakapagpahayag ng kanilang mga saloobin.
Nagpasalamat si Nartatez sa iba’t ibang organisasyon at rally organizer na nagsagawa ng pagkilos sa taong ito, sa kanilang pagsunod sa mga alituntunin at sa batas na nagresulta sa maayos at mapayapang pagdaraos ng SONA. | ulat ni Leo Sarne
Photo: Office of the Chief PNP