Iniulat ni PNP Public Information Office Chief Police Col. Jean Fajardo na 1855 pulis at 33 non-uniformed personnel ang apektado ng bagyong Caring at ng habagat.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni Fajardo na ipinag-utos ni PNP Chief Police General Rommel Francisco Marbil ang accounting ng lahat ng apektadong tauhan upang masiguro ang kanilang kaligtasan at mapagkalooban ng kaukulang tulong.
Ayon kay Fajardo, sinabi ng PNP chief na hindi magagampanan ng mga pulis nang maayos ang paghahatid serbisyo sa publiko kung inaalala nila ang kaligtasan ng kanilang sariling pamilya.
Sinabi ni Fajardo na sa ngayon ay nakatutok ang Humanitarian Assistance and Disaster Relief efforts ng PNP sa Metro Manila, Ilocos Region, Cagayan, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa at Region 5.
Sa Metro Manila aniya ay lubhang naapektuhan ang Valenzuela at Malabon kung saan hanggang kagabi ay nahirapang pumasok ang mga rumereaponde dahil sa lalim ng baha. | ulat ni Leo Sarne