Tiniyak ng Department of Interior and Local Government ang patuloy na pagtutok nito sa mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila para mas maging handa sa pagtugon sa mga kalamidad gaya nang nagdaang Habagat at Bagyong Carina.
Sa Kapihan sa Bagong Pilipinas, inihayag ni DILG NCR Local Government Monitoring and Evaluation Division (LGMED) Chief Raymond Gerard De Asis ang mga ginagawang hakbang ng ahensya para masigurong mabilis ang magiging aksyon ng mga LGU hanggang sa brgy officials sa tuwing may sakuna o bagyo.
Kabilang dito ang capacity development at mahigppit na koordinasyon bilang bahagi ng Metro Manila Regional Disaster Risk Reduction and Management Council.
Sa tulong aniya nito, bagamat halos ikumpara sa Bagyong Ondoy ang ulang dala ng Bagyong Carina, hindi naging malawak ang pinsala nito at maliit din ang casualties.
Ayon naman kay DILG NCR Regional Dir. Maria Lourdes Agustin, may inilunsad na ring Quarterly Convergence ang DILG para sa Disaster Preparedness ng mga DRRM officers at iba pang Stakeholders nito. | ulat ni Merry Ann Bastasa