Hinirang ni Presidential Peace Adviser Secretary Carlito Galvez Jr. bilang tanda ng malaking pagbabago sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang pagbubukas ng bagong gusali ng Banko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa Cotabato City.
Si Sec. Galvez ay kabilang sa mga panauhin sa inagurasyon ng bagong gusali kahapon, na ilang metro lang ang layo mula sa Bangsamoro Government Complex.
Ayon kay Galvez, ang pagtatayo ng bagong BSP Building ay tanda ng kumpiyansa sa rehiyon, sa pamahalaan, at sa kakayahan ng mga mamamayan sa lugar na hubugin ang kanilang socioeconomic at sociopolitical na kinabukasan.
Ipinapakita aniya nito ang malaking transpormasyon ng rehiyon bilang isang trading, commercial, at tourism hub, na nadarama sa pamamagitan ng pag-unlad ng ekonomiya.
Tiniyak naman ni BSP Deputy Governor Secretary Bernadette Romulo-Puyat, ang commitment ng BSP na palawakin ang Islamic banking services sa rehiyon upang mas lalong isulong ang progresong pang-ekonomiya ng Mindanao. | ulat ni Leo Sarne