Hinimok ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Benjamin Acorda Jr. ang ibang Regional Commanders na gayahin ang Integrated Command Control Center (ICCC) ng Quezon City Police District (QCPD) para mabilis makaresponde sa krimen.
Sa kanyang pagbisita sa National Capital Regional Police Office (NCRPO) Headquarters, sinabi ng PNP Chief na sisiguruhin niyang magagawa sa buong bansa ang 3-minute response time ng QCPD sa krimen sa loob ng kanyang termino.
Ang ICCC ng QCPD ay “state-of-the-art facility” na gumagamit ng modernong komunikasyon para sa pag-monitor at mabilis na deployment ng mga pulis na nakapwesto sa “fixed Points” sa mga lugar na may mataas na insidente ng krimen.
Ayon sa PNP Chief, kung magagawa ito sa buong Metro Manila na showcase ng buong bansa mapapalakas ang crime prevention.
Dagdag ni Gen. Acorda, kung makumbinisi ang mga mamamayan na kapag naapi sila ay andiyan ang kanilang pulis na maaasahan na pagsusumbungan, mababawasan din ang mga nang aabuso sa kanilang karapatan. | ulat ni Leo Sarne