May pagkakataon na ring makinabang sa insurance benefit ng Social Security System ang mga rider na sakop ng ride-hailing app na Angkas.
Kasunod ito ng paglagda sa isang memorandum of agreement sa pagitan nina SSS President at CEO Rolando Ledesma Macasaet at Angkas CEO George Royeca para sa implementasyon ng “AngkaSSS na sa Protektadong Bukas” na nakalaan sa kanilang mga aktibong Angkas partner riders.
Target na matulungan dito ang nasa 30,000 angkas partner riders sa Metro Manila, Metro Cebu, at CDO.
Sa ilalim nito, maaari nang maging self employed member ng SSS ang mga rider at magiging kwalipikado na rin sila sa mga benepisyo at loan programs ng SSS.
Mas pinadali na rin ang paghuhulog dahil ang Angkas na ang mangongolekta ng kontribusyon ng riders bilang coverage at collection partner ng SSS. | ulat ni Merry Ann Bastasa