Libu-libong kahina-hinalang mga larawan, video at iba pa ang nakita sa isa sa mga nakumpiskang ebidensya ng Philippine National Police – Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG).
Ito’y makaraang ilabas na ng ACG ang resulta ng isinagawa nilang digital forensic examination sa mga kagamitang nasabat nila mula sa Chinese national na hinihinalang espiya.
Batay sa 20 pahinang ulat, nakitaan ang naturang dayuhan ng illegal interception at misuse of devices na isang malinaw namang paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012.
Ayon pa sa ulat, nakuha ang mga karagdagang ebidensya mula sa isang smart phone na nakuha mula sa Chinese national nang maaresto ito sa Makati City noong Mayo.
Nakita rin sa isinagawang pagsusuri sa iba pang mga ebidensya ang mga kahina-hinalang applications, database, call logs at file documents na isinasailalim na rin sa pagsusuri.
Inabot ng 40 araw ang ginawang digital forensic examination dahil sa dami ng mga kagamitang nakumpiska mula sa dayuhan gayundin ang mga impormasyong taglay nito.
Dahil dito, nakatakda nang maghain ng hiwalay na reklamong “espionage” ang CIDG – National Capital Regional Field Unit sa korte upang matukoy kung kuwalipikado ang naturang dayuhan sa pagiging espiya dahil sa mga nakitang ebidensya sa kaniya.
Sakaling makumpirma, lalabas na ito ang kauna-unahang espiya ng China sa Pilipinas. | ulat ni Jaymark Dagala