Inatasan ng pamunuan ng Philippine Army ang kanilang 6th Infantry Division na tiyaking ligtas at mapayapa ang idaraos na halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa susunod na taon.
Ito ang inihayag ni Philippine Army Commander, LtGen. Roy Galido kasunod na rin ng kanilang paghahanda kasabay naman ng 2025 mid-term National at Local elections.
Sinabi pa ni Galido na magpapakalat sila ng sapat na tauhan at kagamitan katuwang ang Philippine National Police (PNP) para tiyakin ang seguridad ng halalan sa buong bansa.
Kasunod nito, pinaalalahanan ni Galido ang mga tauhan nito hinggil sa kanilang mahalagang pananagutan sa nalalapit na halalan.
Ito’y ang pagiging apolitical, non-partisan at iwasan na lumahok sa mga kontrobersyal gayundin sa mga diskursong pulitikal. | ulat ni Jaymark Dagala