Muling umapela ang local government units (LGU) ng Malabon at Navotas na pabilisin ang pagkumpuni sa nasirang Navigational Gate sa Malabon-Navotas River.
Partikular na hiniling ito ng dalawang lokal na pamahalaan sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Department of Public Works and Highways (DPWH).
Iminungkahi nina Malabon City Mayor Jeannie Sandoval at Navotas Mayor John Rey Tiangco at iba pang opisyal ang pagtatayo ng katulad na istruktura bilang back-up at pangmatagalang solusyon sa pagbaha.
Nauna nang ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang agarang pagkumpuni sa nasirang Tangos-Tanza Navigational Gate matapos na personal niyang inspeksiyunin ang istruktura noong Hulyo 25.
Hanggang sa ngayon, nagpapatuloy pa ang pagsasaayos sa sirang gate na nabangga ng isang fishing vessel.
Kaninang umaga, muli na namang lumubog sa baha ang ilang lugar sa Malabon dahil sa high tide na umabot sa 1.9 meters. | ulat ni Rey Ferrer