Umarangkada rin ang People’s Caravan: Serbisyong Dala ay Pag-asa ng National Housing Authority (NHA) sa San Fernando, Pampanga kung saan nasa 1,838 benepisyaryo ang nakinabang.
Layon ng caravan na mapaunlad ang buhay ng mga benepisyaryo sa pamamagitan ng pagpapaabot ng mga serbisyo ng gobyerno na nilahukan ng 36 na pampubliko at pribadong tanggapan.
Kasama sa mga tinangkilik na serbisyo ay ang job fair at mga booth patungkol sa trabaho at hanap-buhay na pinangunahan ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Public Employment Service Office (PESO) ng Pampanga at City of San Fernando.
Ang mga benepisyaryo namang nagnanais makapang-ibang-bansa ay nabigyan ng pagkakataong makapagsumite ng aplikasyon at makadalo sa orientation tungkol sa overseas work mula sa Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Habang ang Pampanga Manpower Management Training Center at anim (6) pang pribadong tanggapan ang nagsagawa ng manpower training at mega job fair para sa lokal na mga trabaho sa pribadong sektor.
Natututo rin ang mga benepisyaryo ng mga bagong kaalaman mula sa pangkabuhayang pagsasanay na pinangunahan ng iba’t ibang ahensiya.
Bukod pa rito, ang Philippine Statistics Authority (PSA), Social Security System (SSS), Home Development Mutual Fund (HDMF/Pag-IBIG Fund), at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ay tumugon sa mga katanungan ng mga benepisyaryo patungkol sa mga dokumentong pampubliko. Pagproseso naman ng police at NBI clearance ang isinagawa ng PNP at National Bureau of Investigation (NBI). | ulat ni Merry Ann Bastasa