Target ng Philippine National Police (PNP) na gamitin sa pangangalap ng intelihensya ang 575,000 security guard sa buong bansa.
Sa isang statement, sinabi ni PNP Civil Security Group (CSG) Director Police Major General Edgar Alan Okubo, na makakatulong ang mga security guard bilang force-multiplier sa pagsisilbing mata at tenga ng kapulisan laban sa mga kriminal at banta sa pambansang seguridad.
Ayon kay Okubo, isasailaim muna sa basic training on intelligence gathering ang mga security guard na sinimulan sa pamamagitan ng seminar na nilahukan ng 61 security guard sa Metro Manila.
Ang unang batch ay nagtapos ng Basic Information Collection and Analysis Seminar (BICAS) for Private Security Agencies, na pinangasiwaan ng CSG sa Camp Crame noong Miyerkules.
Ayon kay Okubo, ang BICAS ay isasagawa din sa iba’t ibang panig ng bansa. Nanawagan naman si Okubo sa mga Security Agency na makipag-tulungan sa PNP sa pamamagitan ng regular na pagsumite ng mga Intel report sa Supervisory Office for Security and Investigation Agencies (SOSIA), dahil ang hakbang na ito aniya ay para sa kapakanan ng buong bansa. | ulat ni Leo Sarne