Hinihintay na lamang ng Philippine National Police (PNP) ang guidelines mula sa Technical Working Group (TWG) hinggil sa kung paano aalisin o buburahin ang visible tattoos sa mga pulis.
Ito’y makaraang alisin na ng liderato ng PNP ang moratorium matapos ang masusing pagrepaso sa naturang patakaran.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, PCol. Jean Fajardo, salig sa inirekomendang guidelines, babalikatin ng pulis na mayroong visible tattoos ang gastusin sa pagpapabura nito.
Nilagdaan ni PNP Chief, PGen. Rommel Francisco Marbil ang pag-aalis ng moratorium noong Hulyo at bibigyan ng tatlong buwan o hanggang Oktubre ang mga pulis na ipabura ang kanilang visible tattoos.
Kabilang sa mga tattoo na kailangang ipabura ay ang extremist tattoos, ethnically or religiously discriminatory and offensive tattoos, indecent tattoos, racist tattoos, sexist tattoos at iba pang ipinagbabawal na tattoo.
Hindi naman sakop ng bagong patakaran ang aesthetic tattoos tulad ng eyebrows, eyeliner at lip tattoo.
Ang sinumang lalabag dito ay mahaharap sa kasong administratibo. | ulat ni Jaymark Dagala