Kinakalap na lamang ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mga dokumento, larawan, video, at iba pang detalye kaugnay sa ginawang panghaharang ng Chinese vessel sa dalawang PCG vessel sa Escoda Shoal, na nagresulta ng banggaan, kung saan nagtamo ng matinding pinsala ang mga sasakyang pandagat ng Pilipinas, madaling araw kahapon (August 19).
Ito ayon kay National Maritime Council (NMC) Spokesperson Alexander Lopez ay upang pasinungalingan ang mga pahayag ng China, na ang Pilipinas umano ang agresibo sa insidenteng ito.
“Actually, the Philippine Coast Guard is just gathering all the pieces of evidence that would debunk the claim of China. And even , nakita ninyo, they showed a video, parang the intent of that is to tell the world na, ‘Oh, kita mo, kami ang binangga ng Philippines.’ We’ll just wait for all the documents, pictures and videos that the Philippine Coast Guard will release, maybe later on, showing otherwise.” —Lopez.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ng opisyal na responsibilidad ng pamahalaan sa publiko at sa international audience na ilabas ang tamang detalye, at kung ano ang totoong nangyari.
Aniya, sa oras na mailabas na ang mga ebidensyang ito, hahayaan na nila ang publiko na mag-desisyon kung sino ang paniniwalaan. | ulat ni Racquel Bayan