Pinarangalan ng PNP Civil Security Group (CSG) ang isang security guard dahil sa kanyang ipinamalas na katapangan na nagresulta sa pagkamatay ng lider ng kriminal na grupo sa Makati kamakailan.
Sa seremonya sa Camp Crame, iginawad ni CSG Director PMGen. Edgar Alan Okubo sa guwardya ang medalya ng kadakilaan para sa kanyang dedikasyon sa pagbibigay ng serbisyo.
Matatandaang nitong August 14, limang armadong lalaki na pinaniniwalaang mga miyembro ng Brondial Criminal Group ang nanloob sa pinagtatrabahuan niyang establismento, kung saan nakipaglaban ang guwardya.
Dahil dito, hinangaan ng CSG ang ipinamalas niyang kahusayan, katapangan at integridad, na hindi inalintana ang kapahamakan upang magampanan ang kanyang tungkulin.
Umaasa rin ang CSG na magsisilbing magandang ehemplo ang kanyang kabayanihan sa lahat ng security personnel sa buong bansa. | ulat ni Leo Sarne
📷 Courtesy of CSG