Tila sumusuot sa butas ng karayom ang mga rescuer na rumeresponde sa nangyaring landslide sa Sitio Banaba, Brgy. San Luis sa Antipolo City.
Sa pagsisimulang muli ng rescue operations ngayong araw, nabatid na aabot sa 75 talampakan ang distansya ng bahay na inanod dahil sa malakas na ulan.
Pahirapan din ang pag-akyat sa ground zero dahil sa matarik ang lugar na pinagtangayan ng bahay kung saan nanunuluyan ang 4 na nawawala.
Ayon kay Brgy. San Luis Chairman, Cris Cate, sisikapin nilang hanapin ang mga nawawala ngayong araw at umaasa pa silang buhay pa ang mga ito.
Magkakatuwang sa operasyon ag mga tauhan ng Antipolo PNP, Antipolo BFP, Antipolo Rescue gayundin ang mga kawani ng Barangay.
Bitbit ng mga rescuer ang mga kagamitan sa paghahanap sa mga nawawala. | ulat ni Jaymark Dagala