Maganda ang naging resulta ng isinagawang medical examination ng PNP kay dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Ito’y ayon kay PNP Public Information Office Chief, PCol. Jean Fajardo matapos ang isinagawang booking and procedure kay Guo sa Royal Star hangar sa Pasay City kaninang madaling araw.
Paliwanag ni Fajardo, kinumusta si Guo ng mga Doktor at Nurse mula sa PNP General Hospital at sinabi naman ng Alkalde na maayos ang kaniyang kalagayan at walang nararamdamang kakaiba.
Matapos nito ay kinuhanan na siya ng mug shot matapos na ganap na maisilbi kay Guo ang Warrant of Arrest ng Senado laban sa kaniya at mabasahan ng miranda rights bilang bahagi ng proseso.
Nang makarating na sa PNP Custodial Facility sa Kampo Crame, kinalagan na ang posas kay Guo at saka siya inihatid sa kaniyang silid para makapagpahinga.
Mahigpit ang ipinatutupad na seguridad sa paligid ng PNP Custodial Facility kung saan, maya’t maya ang pag-iikot ng mga Pulis na nakasuot ng bullet-proof vest at armado ng matataas na kalibre ng armas.
Pagtitiyak ni Fajardo, sapat ang kanilang mga tauhan upang magbigay seguridad kay Guo kung saan siya ituturing na ordinaryong detenido. | ulat ni Jaymark Dagala