Kinumpirma ng kampo ni dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na hindi muna nila aasikasuhin ang paglalagak ng piyansa sa 3rd Judicial Region, Branch 109 sa bayan ng Capas sa nabanggit na lalawigan.
Ito’y ayon sa abogado ni Guo na si Atty. Stephen David makaraang ihayag nito na kaniyang bibisitahin ngayong araw ang kliyente na kasalukuyang nakadetine sa PNP Custodial Faciliy sa Kampo Crame.
Ayon kay David, nakausap na niya si Guo at sinabi nitong nais niyang mapanatili ang status quo lalo na ngayong naka-settle na siya at nasa ligtas na siyang kalagayan.
Unang sinabi ni Guo na ngayong hawak na siya ng mga awtoridad, ramdam na niya ang kaniyang kaligtasan lalo’t sinabi nito na mayroong banta sa kaniyang buhay. | ulat ni Jaymark Dagala