Kinilala ng Philippine National Police (PNP) ang naging papel ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) sa pagsuko ni Pastor Apollo Quiboloy.
Sa pulong-balitaan sa Camp Crame kagabi, sinabi ni PNP Public Information Office Chief Police Col. Jean Fajardo, na nagkaroon ng negosasyon sa panig ni Quiboloy at mga awtoridad matapos na magbigay ng 24-oras na ultimatum kay Quiboloy ang PNP.
Kasama aniya sa negosasyon ang PNP Intelligence Group (IG) at ISAFP, na nagresulta sa mapayapang pagsuko ni Quiboloy at mga kapwa-akusado na sina: Jackielyn Roy, Ingrid Canada, Cresente Canada, at Sylvia Cemanes.
Sa panig naman ng militar, sinabi ni AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla na buo ang suporta ng AFP sa PNP sa operasyon para isilbi ang Warrant of Arrest laban kay Quiboloy, pero ang PNP ang nangunguna dahil ito ay law enforcement operation.
Tiniyak pa ni Padilla na committed ang AFP na tulungan ang mga law-enforcement agency sa pagpapapanatili ng kapayapaan at kaayusan. | ulat ni Leo Sarne