Iniulat ng Quezon City Police District Anti-Cybercrime Team ang pagbaba ng kasong Cybercrimes na naitala mula Hulyo hanggang Agosto ngayong taon.
Sa kabuuan, nakatanggap ang QCDACT ng 159 reklamo noong Hulyo at 146 na kaso ang naresolba.
Sa buwan naman ng Agosto, bumaba ang mga reklamo sa 105 at 97 kaso ang naresolba.
Nangangahulugan ito ng pagbaba ng 54 incidents o 33 percent.
Ayon kay QCPD-Anti-Crime Team Chief Police Major Eric Casabal, patuloy na tumutugon sa iba’t ibang uri ng cybercrimes ang pulisya kabilang ang online scams, illegal access, ATM at credit card fraud, computer-related identity theft, online libel, online threats, unjust vexation, grave coercion, paglabag sa Republic Act 11313 (Safe Spaces Act), at Artikulo 294 ng Revised Penal Code.
Bukod dito, ang Crime Solution Efficiency ay tumaas mula 91.82% noong Hulyo sa 93.33% noong Agosto.
Tumaas din ang Crime Clearance Efficiency mula 96.22% noong Hulyo sa 98.09% noong Agosto.
Ipinapakita naman nito ang patuloy na pagtaas ng kahusayan ng QCDACT sa paglutas ng mga kaso. | ulat ni Rey Ferrer