Nakumpiska ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang kabuuang P3.6-milyong halaga ng pinuslit na sigarilyo mula sa pitong arestadong suspek sa limang magkakahiwalay na operasyon sa Sultan Kudarat, Sarangani, South Cotabato, North Cotabato, at Koronadal City noong Setyembre 5.
Ayon kay CIDG Director Police Major General Leo Francisco, bahagi ito ng pinaigting na kampanya laban sa smuggling o “Oplan Megashopper”, para protektahan ang mga lokal na industriya.
Paliwanag ni MGen. Francisco, bukod sa bilyong-pisong nawawala sa mga lehitimong lokal na manufacturer, nawawalan din ng bilyong-pisong halaga ng buwis ang pamahalaan dahil sa mga pekeng produkto tulad ng sigarilyo.
Babala pa ng heneral, ang pagkalat ng pekeng sigarilyo ay potensyal na “public health hazard” dahil sa pagsabohtahe sa anti-smoking campaign ng pamahalaan, sa pamamgitan ng pagbaha ng murang sigarilyo sa merkado. | ulat ni Leo Sarne