Naghain na ng comment-opposition ang Department of National Defense (DND) sa Quezon City Hall of Justice para harangin ang paglilipat ng kustodiya ni KOJC Leader Apollo Quiboloy.
Tugon ito sa mosyon ng kampo ni Quiboloy para mailipat ito sa AFP sa Kampo Aguinaldo mula sa PNP Custodial Center.
Paliwanag ni DND Assistant Secretary at Chief of Legal and Legislative Affairs Atty. Erik Lawrence S. Dy, ang mga kasong kinahaharap ni Quiboloy at mga kapwa akusado nito ay mga ‘heinous crimes’ na saklaw na ng hurisdiksyon ng Civil Court.
Hindi rin umano mandato ng AFP na kunin ang kustodiya ng mga suspek na sangkot sa mga criminal case.
Dagdag pa nito, bagamat may mga detention facilities sa loob ng Kampo Aguinaldo, ito ay may sinusunod na mahigpit na security protocol at inilalaan lamang sa mga kawani ng AFP na may kaso sa General Courts Martial.
Pinauubaya naman na ng DND sa korte ang desisyon kung kakatigan ang kanilang panig. | ulat ni Merry Ann Bastasa