Mismong si House Speaker Martin Romualdez na ang nagsabi na walang usapan ng impeachment laban sa Bise Presidente sa Kamara.
Sa ambush interview sa House leader sa Malacañang, natanong ito kung makakakuha ba ng suporta ang plano ng Bayan Muna na bumalangkas ng impeachment complaint laban sa Pangalawang Pangulo.
Tugon niya, wala silang anomang balita tungkol sa sinasabing reklamo at wala rin silang alam na ibang grupo na nagpaplano ng katulad na hakbang.
“We have nothing like that in the radar so we would have to look at whatever comes before us but ive not heard. [You havent heard of any other group that is planning the same?) Wala po naman,” tugon ng House Speaker.
Sa isang hiwalay na panayam sinabi ni House Deputy Majority leader for Communications Erwin Tulfo, sakali mang may maghain nga ng reklamo ay aaralin pa kung may sapat itong form and substance bago umusad.
“Ang tanong dapat diyan ay kung mayroon bang impeachment, may papasok ba na impeachment…kung mayroon bang tatayo na impeachment dun sa mga complaint na ito. Ito ba ay may mga form, may substance, yun ang mga tinitignan dyan. Kung wala naman, kung mga sabi-sabi lang, baka hindi matuloy,” paliwanag ni Tulfo.
Una na ring sinabi ni Assistant Majority Leader Paolo Ortega na wala ring nagpapahayag ng interes mula sa mayorya sa Kamara na suportahan ang plano naman ni dating Senador Sonny Trillanes na maghain ng impeachment complaint.
“As of now, if I may speak for the majority, wala naman pong, wala pong nage-express ng exact interest on filing for an impeachment,” ani Ortega. | ulat ni Kathleen Jean Forbes