Nagpasalamat ang pamilya Barayuga sa Quad Committee at sa 2 testigo na naglakas loob para ilahad ang nalalaman ukol sa pagpatay kay dating PCSO board secretary Gen. Wesley Barayuga.
Matapos anila ang 4 na taon na walang aksyon ay mabubuksan na muli ang kaso.
“Ang Pamilya Barayuga ay nagpapasalamat sa QuadCom at sa mga witnesses na naglakas loob mag-testify at mabuksan muli and kaso ng pagpatay kay Wesley A. Barayuga. This gives us comfort even while we know that we are still far from receiving justice,. Sa huling 4 na taon inupuan ang kaso at pinaasa ang aming pamilya na may ginagawa sila ukol dito. At this point, it is difficult to trust and put our hopes up.” saad sa kalatas.
At bagamat malayo pa ang pagkamit sa hustisya, malaking bagay na rin ito para malinis ang pangalan ni General Barayuga na idinawit sa iligal na droga.
“…we believe that this is God’s way of serving justice and clearing Wesley A. Barayuga’s name whose case was alleged to be drug-related in a desperate attempt to cover up their tracks. Maraming salamat sa lahat ng nagsusuporta.” sabi pa sa statement.
Patuloy naman humihingi ang pamilya ng dasal hanggang sa tuluyan silang maghilom mula sa trahedya.
Sa huling Quad Comm hearing humarap si Police Lt. Col. Santie Mendoza at isinalaysay na 2019 nang siya’y tawagan ni Police Col. Edilberto Leonardo para sa isang ‘special project’ laban sa isang opisyal na sangkot sa iligal na droga.
Pag amin pa ni Mendoza na masakit sa dibdib ang ginawa niyang trabaho na utos pa ng kaniyang upperclassman dahil isang inosenteng tao aniya ang kanilang pinatay.
“Binigyan po ako ng trabaho ng mga upperclass ko na ikakasira ng buhay ko…Eh kasi po pumatay kami ng inosente eh,” sabi ni Mendoza sa Quad Comm
Dahil naman sa lumabas na impormasyon ay pinabuksan muli ni PNP Chief Rommel Marbil ang imbestigasyon sa insidete. | ulat ni Kathleen Forbes