Pormal nang sinimulan ng Philippine National Police Internal Affairs Service (PNP-IAS) ang imbestigasyon sa pagkamatay ni dating Retired Gen. at PCSO Board Secretary Wesley Barayuga.
Ayon kay PNP IAS Inspector General Dodo Dulay, magiging malawak ang sakop ng imbestigasyon na kanilang isasagawa simula sa mga pahayag na inilabas sa House Quad Committee.
Bukod sa mga posibleng sangkot sa kaso, sinabi ni Dulay na maaaring maparusahan si Lt. Col. Santie Mendoza na umaming inutusan para patayin ang dating PCSO Board Secretary.
Inamin din ni Dulay na kahit na mabubuo ang kwento base sa salaysay ni Mendoza, kailangan pa rin itong mapatunayan ng mga ebidensya.
Tinatayang aabutin ng 45-60 araw ang imbestigasyon ng IAS.
Kung mapatutunayang sangkot ang iba pang mga pulis, mahaharap sila sa formal proceedings para sa summary dismissal. | ulat ni Diane Lear