Kinasuhan na ng Pasig Philippine National Police (PNP) ang tatlong suspek sa pagpatay sa isang estudyante at delivery rider sa harap ng kanyang bahay sa Pasig City.
Ayon kay Eastern Police District Director Police Brigadier General Wilson Asueta, sinampahan ng kasong Qualified Carnapping, o Carnapping na may Homicide, ang tatlong naarestong suspek matapos ang inquest sa Office of the City Prosecutor.
Naganap ang insidente noong Lunes matapos pagbabarilin ang 22-taong gulang na si Allan Vincent Eugenio sa Brgy. Sumilang.
Kapaparada pa lamang ng working student mula sa kanyang sideline nang atakihin ng mga salarin na ang pakay ay tangayin ang kanyang motorsiklo.
Mabilis na natunton ng mga tauhan ni BGen. Asueta ang mga suspek sa katabing barangay sa tulong ng isang saksi.
Base sa mga larawang ibinahagi sa Facebook ni JM Eugenio, kaanak ng biktima, makikitang bumisita na sa burol sina Pasig City Mayor Vico Sotto at Vice Mayor Dodot Jaworski. | ulat ni Diane Lear