Wala pang inilalabas na utos ang korte sa Pasig City para ituloy ang paglilipat kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy mula sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center patungo sa City Jail.
Ito ay matapos na ibasura ng Pasig Regional Trial Court (RTC) Branch 159 ang hiling ng kampo ng religious leader, na ilagay siya sa house o hospital arrest dahil sa kanyang kalagayang pangkalusugan.
Kinumpirma ni Atty. Israelito Torreon, abogado ni Quiboloy na mananatili muna ang kanyang kliyente sa Camp Crame.
Sa isang hiwalay na mensahe, sinabi rin ni BJMP Spokesperson Jail Supt. Jayrex Bustinera, na wala silang natanggap na order para ilipat si Quiboloy sa Pasig City Jail.
Nauna nang dinala sa nasabing piitan ang iba pang kapwa-akusado ni Quiboloy na nahaharap sa non-bailable na kaso.
Ayon kay Torreon, maaaring dalhin si Quiboloy sa PNP General Hospital kung kinakailangang ilabas siya mula sa custodial center dahil sa kanyang hindi naidetalye na kondisyon sa kalusugan. | ulat ni Diane Lear