Bibigyan na ng kinakailangang tulong ang mga katutubo o Indigenous Peoples (IPs) na tradisyunal na gumagala sa Metro Manila at kalapit na urban areas tuwing kapaskuhan.
Ayon kay DSWD-MIMAROPA Regional Director Leonardo Reynoso, ang pagbibigay ng interbensyon ay maaaring makahadlang sa kanilang pagpunta sa Metro Manila.
Masisiguro din ang kaligtasan ng mga katutubong ito mula sa mga panganib sa lansangan.
Sa MIMAROPA Region, nakikipagtulungan na ang DSWD field office sa mga local government unit (LGU) para mabigyan ng tulong ang IP communities bago pa man sila makarating sa urban areas.
Bukod sa ibibigay na tulong bago ang kapaskuhan, ang mga IP ay benepisyaryo din ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) at Sustainable Livelihood Program (SLP) ng ahensya.
Katuwang ng DSWD at LGUs ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP), iba pang non-government organizations at pribadong sektor sa pagbibigay ng tulong sa mga IP. | ulat ni Rey Ferrer