Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na natanggap na ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang imbitasyon ng Kamara para dumalo sa pagdinig kaugnay sa war on drugs ng kaniyang administrasyon.
Sa isang pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni PNP Spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo, na natanggap na ng opisyal na kinatawan ni Duterte ang sulat mula sa House Quad Committee na pinangungunahan ni Representative Robert Ace Barbers.
Ayon kay Fajardo, natanggap ang imbitasyon sa tahanan ng dating pangulo noong isang araw.
Nabatid na ang PNP ang katuwang ng House sergeant-at-arms para maihatid ang sulat sa tinukoy na address ng komite.
Bukod sa pisikal na liham, nagpadala rin ng email ang com-sec sa opisina ng dating pangulo para imbitahan siya na humarap sa Quad Committee.
Matatandaang nauna nang sinabi ni Duterte na hindi siya aatras at handa niyang sagutin ang lahat ng tanong ng mga mambabatas sa Quad Committee kung siya ay pormal na iimbitahan sa pagdinig. | ulat ni Diane Lear