Nanawagan ng donasyon ang Philippine Red Cross (PRC) sa publiko upang masuportahan ang ginagawa nilang mga paghahanda gayundin ang pagtugon sa pananalasa ng bagyong Kristine.
Ayon sa Red Cross, nakatuon ngayon ang kanilang pansin sa lalawigan ng Albay dahil sa mga malawakang pagbaha na naitala roon partikular na sa mga bayan ng Polangui, Tiwi, at Libon.
Gayundin sa Sipocot at Naga City sa Camarines Sur maging sa lalawigan ng Sorsogon kung saan, may mga naitala ring mga pagguho ng lupa o landslide.
Kasalukuyang nasa Albay na ang team mula sa PRC na nagsasagawa ng rescue at relief operations sa mga apektadong residente.
Kahapon, tinulungan din ng PRC ang 20-taong gulang na buntis na kinilalang si Nica Laurenaria ng Brgy. Gimaloto sa Sorsogon na dinala sa Sorsogon Provincial Hospital.
Ito’y dahil sa manganganak na si Laurenaria subalit hindi makatawid bunsod ng malalim na baha sa mga daraanang lansangan nito. | ulat ni Jaymark Dagala