Nakikipag ugnayan na ang tanggapan ni 1-Rider party-list Rep. Rodge Gutierrez sa lokal na pamahalaan sa Bicol para sa relief operations dahil sa pananalasa ng Bagyong Kristine.
Sabi pa ni Gutierrez na isang Bicolano, inihahanda na nila ang kanilang volunteer relief riders upang makatulong sa pagpapa-abot ng relief goods sa mga lugar na mahirap abutin.
“Currently in coordination with LGUs. On our part we are accounting for our members and also readying our volunteer relief riders for hard to reach barangays.” sabi ni Gutierrez sa isang text message.
Nag ikot din si Albay 3rd district Rep. Fernando Cabredo sa kaniyang distrito para alamin ang pinsalang dulot ng bagyong Kristine.
Bukod sa mga kalsada na hindi madaanan dahil sa landslide may ilan ding establishimento na nasira dahil pinasok ng tubig baha.
Magdamag naman na nagsagawa ng paglilikas ang volunteers ng Ako Bicol party-list at namahagi ng hot meals sa mga bakwit.
Binuksan naman ni Camarines Norte 1st district Rep. Josie Tallado ang kaniyang tahanan sa Labo, Camarines Norte para magsilbing evacuation center.
Maging ang Alagang Tingog Center sa tabi ng kaniyang tahanan ay bukas para aniya masilungan ng evacuees. | ulat ni Kathleen Forbes