Umabot ng lampas-tao ang tubig-baha na naranasan sa kabayanan ng Tagkawayan, Quezon dahil sa walang-tigil na pag-ulan simula pa kahapon dahil sa bagyong Kristine.
Sa panayam ng RP1 Lucena kay Ginoong Reden De Villa, PIO ng Tagkawayan Quezon, pinaka-apektado sa 11 barangay ay ang Brgy. Payapa, Highway Zone at Tabason kung saan nag-mistulang dagat ang kulay-kapeng tubig-baha.
Umabot naman sa mahigit 456 ang evacuees mula sa 118 pamilya ang nakakanlong ngayon sa 13 evacuation centers.
Mahina hanggang sa malalakas na pag-ulan ang naranasan ng mga residente dito na sinabayan pa ng high-tide kaninang ala-una ng madaling-araw.
Kaninang umaga, nilibot ng MDRRMO-Tagkawayan ang mga barangay na nalubog sa tubig-baha.
Samantala, nagsimula nang mag-evacuate ang ilang residente sa Brgy. San Roque sa Lopez Quezon. Ayon sa isang residente na si Abby Nada, lumubog na sa tubig ang kanilang palayan at ini-evacuate ang 19 na baboy na fatteners at dalawang inahin na inabot ng pagtaas ng tubig-baha. | ulat ni Mae Formaran | RP1 Lucena