Umabot na sa P2,326,978.60 ng humanitarian assistance ang naipaabot ng Department of Social Welfare and Development sa mga sinalanta ng bagyong Kristine.
Ayon DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, partikular na ipinamahagi ang mga food and non-food items sa mga lokal na pamahalaan ng Albay, Camarines Sur, at Sorsogon sa Bicol Region; Bacolod City sa Region 6 at North Cotabato sa SOCCSKSARGEN.
Patuloy pa ang ginagawang repacking ng food packs sa National Resource Operations Center sa Pasay City para ideploy sa mga lugar na apektado ng bagyo.
Sa kasalukuyan, mayroong 2,071,884 kahon ng FFPs ang readily available sa mga rehiyon sa bansa. Kabilang na rito ang mga nakalagak sa NROC; sa Visayas Disaster Resource Center at DSWD Field Office-5 (Bicol Region).
Base sa datus ng DSWD-Disaster Response Operations Management, Information and Communication , nasa 112,437 pamilya o 457,489 katao mula sa 815 barangays sa Regions 2, MIMAROPA, 5, 6, 8,12 at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao ang naitalang apektado ng bagyong Kristine.
Sa nabanggit na bilang 4,092 families o 15,715 individuals ang pansamantalang nanunuluyan sa 267 evacuation centers. | ulat ni Rey Ferrer
📷 DSWD