Ibinahagi ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na nagtungo siya sa Bicol Region ngayong araw, October 25, 2024 upang ma-monitor ano pa ang pangangailangan sa rehiyon matapos ang pananalasa ng bagyong Kristine.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas Naga, sinabi ni Gatchalian na inatasan siya ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na i-monitor ano pa ang pangangailangan sa rehiyon bukod sa pagkain na kinakailangan.
Inatasan din aniya siya, na tiyakin ang patuloy na relief operations at makapag-report sa national government kung ano pa ang mga pangangailangan.
Dagdag pa ni Gatchalian, na bago pa tumama ang bagyong Kristine may humigit-kumulang na 160,000 family food packs (FFPs) na naka-prepositioned sa iba’t ibang bahagi ng Bicol Region.
Dahil bahagi aniya ito ng programa ng DSWD at ni Pangulong Marcos Jr., na may kalamidad man o wala laging nakahanda.
Si Sec. Gatchalian ay nagtungo sa Naga City at Camarines Sur ngayong araw, at binisita ang ilang mga evacuation center sa lungsod at lalawigan. | ulat ni Vanessa Nieva, Radyo Pilipinas Naga