Inanunsyo ng pamunuan ng Metro Rail Transit Line 3 o MRT-3 na normal ang operasyon ng mga tren sa Undas, Nobyembre 1.
Ito’y sa kabila ng deklarasyon na isang special non-working holiday ang nasabing petsa.
Regular din ang operasyon sa Oktubre 31 at Nobyembre 2.
Nais ng MRT 3 na makapagbigay ng serbisyo sa mga pasahero sa nasabing mga araw, kabilang ang mga magsisiuwian sa kanilang mga probinsya para sa Undas.
Aalis ang unang biyahe ng tren mula sa North Avenue Station ng alas-4:30 ng umaga at alas-5:05 ng umaga naman sa Taft Avenue Station.
Samantala, ang huling biyahe ng tren ay alas-9:30 ng gabi sa North Avenue Station at alas-10:09 din ng gabi sa Taft Avenue Station. | ulat ni Rey Ferrer