Alinsunod sa Oplan Biyaheng Ayos ng Department of Transportation (DOTr) ngayong Undas ay ilalagay rin sa Heightened Alert ang seguridad sa buong linya ng MRT-3 mula October 31 hanggang November 5.
Ito ay para masigurong ligtas, maayos, at komportable ang biyahe ng mga pasaherong inaasahang magsisiuwian sa mga probinsya para sa paggunita ng okasyon.
Ayon sa pamunuan ng tren, may mga security at station personnel na ide-deploy upang magbantay at tumugon sa anumang pangangailangan ng mga pasahero.
Tuloy-tuloy din ang koordinasyon sa PNP para sa mga Police Assistant Desks sa mga istasyon.
Regular operating hours naman ang ipatutupad kung saan ang unang biyahe ng tren ay 4:30 AM mula sa North Avenue Station at 5:05 AM naman mula sa Taft Avenue Station. Samantala, ang huling biyahe ng tren ay 9:30 PM sa North Avenue Station at 10:09 PM naman sa Taft Avenue Station.
Kaugnay nito, hinikayat naman ni MRT General Manager Oscar Bongon ang mga pasahero na i-report sa Police Assistance Desk ang anumang security concern sa tren. | ulat ni Merry Ann Bastasa