Nakahanda na ang deployment plan ng Quezon City Police District para matiyak ang seguridad sa paparating na Undas 2024.
Sa QC Journalists Forum, sinabi ni QCPD Acting Chief PCol. Melecio Buslig Jr. na aabot sa 4,786 personnel ang ipakakalat sa mga sementeryo at kolumbaryo gayundin sa mga terminal ng bus, mga istasyon ng tren at sa major thoroughfares.
Bukod pa ito sa drone squadron para sa mas malawak na pagpapatrolya sa mga lugar na madalas dagsain tuwing Undas.
Ayon pa sa QCPD chief, may itatalaga rin silang mga 70 police assistance desks sa iba’t ibang lugar sa QC para alalayan ang mga bibisita sa mga sementeryo at mga pasaherong magsisi-uwian.
Katuwang din ng QCPD ang QC Transport and Traffic Management Department na tutulong sa pagmamando ng trapiko.
Nakiusap naman ang QCPD sa mga magulang na may maliliit na bata at mga senior na agahan nang magtungo sa mga sementeryo at huwag nang makipagsabayan sa dagsa ng bisita sa Nov. 1 at 2 para hindi mahirapan sa pagbisita sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay. | ulat ni Merry Ann Bastasa