Inatasan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang mga distribution company na suspindehin muna ang disconnection at ang paniningil sa kuryente sa mga lugar na nakapailalim sa state of calamity dahil sa bagyong Kristine.
Ito’y bilang pagtalima sa kautusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa ERC na magpatupad ng moratorium sa disconnection at paniningil sa kuryente upang maibsan ang kalbaryo ng mga apektado ng kalamidad.
Sa inilabas na pahayag ng ERC ngayong araw, inaatasan nito ang mga distribution company sa mga lugar na nasa state of calamity na suspindehin ang electricity disconnection sa mga residential at non residential customer na kumokonsumo ng 200 kHw.
Papayagan naman ang mga mabibigong makapagbayad sa kanilang monthly bills mula Oktubre hanggang Disyembre ngayong taon para sa flexible payment options o papayagan silang magbayad ng kuryente sa loob ng 6 na buwan.
Una nang sinabi ng ERC na kanilang nauunawaan ang direktiba ng Pangulo subalit kailangan din nilang balansehin ang sitwasyon. | ulat ni Jaymark Dagala