Dinagdagan pa ng Philippine National Police (PNP) ang bilang ng mga pulis na ipinakalat sa iba’t ibang sementeryo at matataong lugar sa bansa ngayong Undas.
Mula sa mahigit 18,000 pulis na unang idineploy, umabot na ito sa mahigit 31,000.
Tututukan ng mga ito ang seguridad sa mga sementeryo, pampublikong lugar, bus terminal, sea ports, airports at iba pang matataong lugar.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo, wala pa silang namo-monitor na banta kaugnay sa selebrasyon ng Undas.
Nananatili naman aniyang mapayapa ang sitwasyon sa mga sementeryo sa buong bansa.
Sa ngayon, naka-heightened alert ang lahat ng regional offices ng PNP. Ipinauubaya na rin ng pamunuan ng PNP sa mga regional director ang pagdaragdag ng tauhan base sa peace and order situation sa kanilang area of responsibility. | ulat ni Diane Lear