Nakatakdang palayain ngayong gabi ang 69 na dayuhang sinagip ng mga pulis mula sa isang scam hub sa Maynila.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi PNP Anti-Cybercrime Group Director Police Major General Ronnie Francis Cariaga, kabilang sa mga nasagip ay mga Chinese, Malaysian at Indonesian national.
Sinabi ni Cariaga, na wala pang naisasampang kaso laban sa mga dayuhan dahil nagpapatuloy pa ang imbestigasyon sa mga narekober na computer data.
Nabatid na undocumented din ang mga ito at walang mga pasaporte. Posibleng matagalan pa ang resulta ng imbestigasyon lalo pa at holiday ngayon.
Lagpas na rin sa 36 oras na reglementary period ang mga dayuhan kaya kailangan na silang palayain.
Tiniyak naman ni Cariaga, na tuloy ang imbestigasyon at magsasampa sila ng kaso laban sa mga dayuhan kapag may nakitang ebidensya laban sa kanila.
Samantala, tumanggi ang Bureau of Immigration na magbigay ng legal custody sa mga dayuhan dahil wala pa silang natatanggap na affidavit of arrest para sa mga ito. | ulat ni Diane Lear