Nadagdagan pa ang pwersa na nagbabantay sa Loyola Memorial Park sa lungsod ng Marikina.
Bukod sa Marikina Police Office, dumating na rin ang mga force multiplier para sa “Oplan Ligtas Undas.”
Pasado alas-6 ng umaga nang dumating dito ang mga tauhan ng Barangay Peacekeeping Action Team, Marikina Traffic, Marikina Rescue, City Environmental and Management Office, Philippine Red Cross, at iba pa.
Tiniyak naman ni Eastern Police District (EPD) Director, PCol. Villamor Quizzagan Tuliao ang seguridad hindi lamang sa Loyola kundi maging ang iba pang sementeryo sa Eastern Metro Manila.
Sa kasalukuyan, nakakalat na ang 2,000 nilang mga tauhan sa mga sementeryo sa Pasig, Mandaluyong, Marikina, at San Juan, partikular sa pampublikong mga lugar gayundin ay naglatag na sila ng mga checkpoint.
Samantala, maliban sa mga nagpalipas ng gabi ay mayroon ding mga maagang bumisita sa Loyola Memorial Park.
Sinabi sa Radyo Pilipinas ng ilang maagang bumisita, minabuti nilang maagang magtungo sa sementeryo para makaiwas sa dagsa ng mga tao mamayang hapon hanggang gabi.
Ayon kay Gab Dela Paz, administrator ng Loyola Memorial Park, posibleng umabot ng 150,000 ang inaasahang bibisita sa sementeryo ngayong araw ng Undas.
Kahapon, nagsagawa na ng inspeksyon ang mga opisyal ng Marikina LGU sa sementeryo para makita ang latag ng seguridad gayundin ang kaayusan ng mga pasilidad.
Nabatid na may lawak na 48 ektarya ang Loyola Memorial Park na pinakamalaking sementeryo sa Marikina at kabilang din sa limang major cemetery sa Metro Manila.
Ilan lang sa mga kilalang personalidad na nakahimlay dito sina dating Senador Miriam Defensor-Santiago, Master Showman na si German Moreno, Rapper na si Francis Magalona, aktres na si Nida Blanca, at ang beteranong mamamahayag na si Mike Enriquez. | ulat ni Jaymark Dagala