Palalakasin pa ng Armed Force of the Philippines (AFP) ang kanilang kampaniya upang malabanan ang disinformation sa gitna ng lumalakas na propaganda at pagpapakalat ng fake news sa isyu ng West Philippine Sea.
Ito ang tinuran ni AFP Chief of Staff, Gen. Romeo Brawner Jr kasabay ng pagsisimula ng kanilang Joint Exercise DAGat, LangIT at LuPA o DAGITPA ngayong araw.
Ayon kay Brawner, bukod sa pagpapalakas ng kakayahan at kasanayan sa pakikipagdigma, nakatutok din sila sa cyber warfare lalo’t dito anya aktibo ang China partikular na sa usapin ng West Philippine Sea.
Kung maaalala aniya, madalas palabasin ng China na sila ang biktima sa tuwing magkakaroon ng girian sa pagitan nila at ng Pilipinas.
Samantala, binigyang diin din ni Brawner na hindi makaaapekto sa nagpapatuloy na Humanitarian Assistance at Disaster Relief efforts ang AJEX DAGITPA dahil may mga partikular na unit naman ng AFP ang nakatutok dito. | ulat ni Jaymark Dagala